Pagdinig sa kasong rice smuggling ni Davidson Bangayan, sisimulan na ng DOJ
Nakatakda nang simulan ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation ng hinihinalang rice smuggler na si Davidson Bangayan at kaniyang mga kasabwat.
Pamumunuan ni Assistant State Prosecutor Eden Valdes ang pagdinig mamaya, matapos muling maghain ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Graft Division.
Muling nagsampa ng reklamo ang NBI noong nakaraang buwan, dalawang taon matapos ibalik sa kanila ng DOJ ang orihinal na reklamong isinampa nila noon pang August 2014.
Sinampahan ng kasong may kinalaman sa monopolyo ng kalakalan, bid fixing, paggamit ng pekeng pangalan, at paglabag sa regulasyon sa paggamit ng mga alyas.
Ginawa ito ng NBI alinsunod sa kahilingan ng Senado, base sa report ng Committees on Agriculture and Food, Ways and Means, Trade and Commerce at Accountability of Public Officers.
Inaakusahan kasi nila si Bangayan ng pagbuo ng isang scheme na nagre-recruit sa mga magsasaka at pagsama-samahin sila upang makakuha ng substantial allocations sa PSF-TES importation program ng National Food Authority (NFA).
Layunin umano nina Bangayan, at ng iba pa niyang mga kasabwat ang monopolisasyon ng supply ng bigas sa pamamagitan ng pre-arranged na bidding at iba pang paraan ng panlilinlang para mapigilan ang free competition sa merkado.
Dahil sa ginawa ni Bangayan at kaniyang mga kasabwat, ilang mga indibidwal na may kakayanan naman ay nawalan ng pagkakataon na makakuha ng kanilang bahagi sa alokasyon ng rice importation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.