Dating Gov. Padaca umaming napilitang maghain ng guilty plea sa kanyang kaso

Radyo Inquirer

Ipinaliwanag ni dating Isabela governor at dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Grace Padaca na walang siyang makitang testigo at hirap din siyang kumuha ng mga dokumento kaya niya binago ang naunang “not guilty plea” sa kasong kinakaharap sa Sandiganbayan.

Sinabi ng dating opisyal na pinalitan niya ng “guilty plea” ang naunang pahayag kaugnay sa hindi niya pagsusumite sa loob ng apat na taon sa pamahalaan ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).

Si Padaca ay hinatulang guilty ng Sandiganbayan @nd Division dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sinabi rin ng dating opisyal na kahapon lamang dumating sa kanyang tanggapan ang kopya ng desisyon ng anti-graft court.

Ipinaliwanag rin ni Padaca na hindi siya makakuha ng mga dokumento sa kanilang kapitolyo dahil sa hindi niya mga kaalyado ang naka-posisyon sa kasalukuyan.

May mga kopya umano ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng kanyang SALN mula 2007 hanggang 2009 pero nakakapagtakang nawala ang mga ito.

Takot rin umano na tumayong testigo ang ilang empleyado ng kapitolyo na siyang dahilan kaya wala siyang naiharap na testigo sa ginawang pagdinig ng Sandiganbayan.

Si Padaca ay naglagak ng kabuuang P40,000 para sa kanyang paglaya kaugnay sa hindi pagsusumite ng SALN noong siya ay nanunungkulan pa sa pamahalaan.

Read more...