PDEA Dir. Gen. Aquino: Kailangan namin ang tulong ng PNP

PDEA

Nilinaw ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na hindi niya hiningi sa pangulo ang desisyon na ang kanilang grupo na lamang ang magsagawa ng mga anti-illegal drugs operation sa bansa.

Sinabi ni Aquino na kailangan nila sa mga operasyon ang tulong ng Philippine National Police dahil kakaunti lamang ang kanyang mga tauhan sa PDEA.

Reaksyon ito ng opisyal makaraang maisapubliko ang October 10 memorandum ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing ang PDEA lamang ang otorisadong ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng mga operasyon kontra droga.

Sa kanilang panig, sinabi ni PNP Spokesman CSupt. Dionardo Carlos na susunod sila sa naging desisyon ng pangulo.

Tututok na lamang ang PNP sa pagtugis sa mga kriminal kasabay ng ginagawang internal cleansing sa kanilang hanay ayon pa sa nasabing opisyal.

Sa tala ng PNP, aabot sa 3,850 drug personalities ang kanilang napatay mula ng ilunsad ng pangulo ang kanyang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Kamakailan ay nalagay sa kontrobersiya ang hanay ng PNP dahil sa pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa ilang kwestiyunableng operasyon na nagresulta sa kamatayan ng ilang katao.

Read more...