Business tycoon, popondohan ang ‘Skytrain’ mula BGC patungong Guadalupe

Nagpahayag ng kahandaan ang business tycoon na si Andrew Tan para pondohan ang pagtatayo ng 2-kilometer Bonifacio-Guadalupe ‘Skytrain’.

Nagsumite ng ‘unsolicited proposal’ ang grupo ni Tan para sa pagtatayo ng two-kilometer monorail na magdudugtong sa Fort Bonifacio sa Taguig City patungo sa MRT Guadalupe Station.

Ang panukala ay mula sa INFRACORP Development Inc., ang bagong tayong kumpanya na binuo ng Alliance Global Group Inc. (AGI) para hawakan ang mga usapin hinggil sa infrastructure projects, partikular ang mga nasa ilalim nmg private-public partnership (PPP) ng pamahalaan.

Ayon sa INFRACORP, kung maitatayo ang ‘Skytrain’, aabot sa 60,000 hanggang 100,000 pasahero ang makikinabang dito araw-araw.

Sa ilalim ng panukalang proyekto, gagamit ng automated cable-propelled monorail technology, at aabot lang sa limang minute ang biyahe mula BGC hanggang MRT Guadalupe.

Bubuuin lamang ng dalawang istasyon ang monorail, isa sa Guadalupe malapit sa MRT at ang isa ay sa Uptown Bonifacio.

Sa ilalim ng panukalang proyekto na tinatayang tatagal ng tatlong taon bago matapos ay walang gagastusin ang pamahalaan.

Plano ding ikunekta ang monorail sa itatayong subway system project ng gobyerno na dadaan ng Fort Bonifacio.

Ayon kay Tan, ilalahad nila ang halaga ng proyekto sa sandaling bigyan na sila ng go signal ng gobyerno na simulan ito.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...