Kartero sa Makati, nanalo ng P16-M sa lotto
Uuwing milyonaryo sa kaniyang probinsya sa Visayas ang isang lalaking nagtatrabaho bilang kartero sa Makati sa loob ng ilang taon dahil solo niyang napanalunan ang P16 milyong premyo sa Super Lotto 6/49 nitong September 3.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) vice chair at general manager Jose Ferdinand Rojas II, hindi pa rin makapaniwala ang nanalo sa swerteng kaniyang natamasa nang kunin niya ang kaniyang premyo sa head office noong Martes.
Dagdag pa ni Rojas, sinabi sa kaniya ng 48-anyos na maswerteng mananaya na 15 taon na siyang tumataya sa lotto dahil naniniwala siyang makapagbibigay ito ng magandang buhay sa kaniyang pamilya.
Balak aniya nito na magbitiw na sa kaniyang trabaho at umuwi sa kanilang probinsya at magumpisa ng negosyo kasama ang kaniyang asawa at tatlong anak.
Bukod doon, balak rin nito na magpatayo ng kanilang sariling bahay at ilaan ang matitirang pera sa edukasyon ng kaniyang mga anak at sa kanilang mga pangangailangan sa hinaharap.
Nanawagan naman si Rojas sa publiko na patuloy na suportahan ang mga palaro ng PCSO dahil hindi lang ito makakapagpabago sa buhay ng mananalo, kundi makatutulong din ito sa mga may pangangailangang medikal.
Sa kabuuang kita ng PCSO, nakalaan ang 55% nito ay napupunta sa premyo, 30% ang napupunta sa charity fund at 15% naman para sa kanilang operasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.