Hearing sa hirit na jeepney fare hike, itinigil ng LTFRB; transport groups hindi kumpleto ang bitbit na ebidensya
Dahil sa kulang-kulang ang bitbit na ebidensya at dokumento, inihinto muna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagdinig nito sa petisyon ng limang jeepney transport group na itaas sa sampung piso ang pamasahe sa pampasaherong jeepney.
Ang petitioners ay ang Pasang Masda, FEJODAP, ACTO, ALTODAP at LTOP.
Sa pagsalang sa petisyon, agad hinanapan ang kampo ng mga jeepney operator ng kaukulang ebidensya at papeles para suportahan ang hirit ng fare increase.
Gayunman, umamin ang abogado ng mga jeepney groups na hindi sila handa at walang dalang dagdag-ebidensya.
Pero tumayo ang mga operator, at nangatwiran sa pangangailangan na maitaas sa sampung piso mula sa kasalukuyang walong piso ang minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay Obet Martin ng Pasang Masda, hindi lamang sa National Capital Region ang hirit nilang fare hike, kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.
Paliwanag naman ni Zeny Maranan ng FEJODAP, sobra sobra na ang pagmahal sa presyo ng produktong langis, lagi pang trapik, at patuloy ang pangongotong sa mga jeepney driver.
Nagpasya si LTFRB Chairman Martin Delgra na ipagpatuloy ang hearing sa October 24, alas-9:00 ng umaga.
Dagdag ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, kailangan din nila ng panahon bago magpasya sa fare increase, lalo’t nasa 3.2 milyong pasahero ang tiyak na maaapektuham kung pagbibigyan nila ang petisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.