MMDA, nagsagawa ng clearing operations sa Pasay at Maynila

Kuha ni Jan Escosio

Sinabayan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsikat ng araw ng pagsasagawa ng clearing operations sa harapan ng simbahan ng Baclaran sa Parañaque City.

Ang lahat ng mga nagtitinda sa labas ng itinakdang boundary o hangganan ay pinalipat na lang sa isang eskinita.

Maging ang mga tolda at malalaking payong na nakausli sa daanan ng mga tao ay pinatanggal.

Noon lang nakaraang Huwebes ay nilinis na ang lugar ngunit muling lumabag ang ilang vendors.

Hindi kinumpiska ang mga paninda dahil ayon kay Bong Nebrija, supervising officer ng operasyon, ayaw naman nilang alisan ng ikinabubuhay ang mga tao.

Ipinagpatuloy ang clearing operations sa Zobel Roxas St., sa Maynila at hindi rin pinaligtas ang mga karinderya na ginawa nang mistulang food court ang bangketa.

Nagtuloy-tuloy ang clearing operations pagtawid ng riles sa may Osmeña Highway at naasinta ang mga talyer sa center island kaya’t ang lumitaw na ang dalawa pang linya para sa mga motorista.

Kasunod nito ang mga junk shops na ginawa ng extension ng kanilang negosyo ang isa sa two-way lane na kalsada.

Dito lumitaw ang mga basura na nakatambak din sa bangketa at nang malinis ang kalsada ay agad na rin nadaanan ng mga sasakyan.

Ayon sa MMDA, magtutuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng clearing operations na bahagi ng kanilang proyekto para maibsan ang pagsisikip sa daloy ng traffic.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...