Naniniwala ang mga magulang ng hazing victim na si Horacio Castillo III na nagtangkang tumakas ng suspek na si Ralph Trangia nang lumipad ito patungong United States kasama ang ina kasunod ng insidente.
Ito’y matapos ihayag ng kampo ni Trangia na hindi intensyon na tumakas dahil kung tutuusin, mayroon itong return ticket nang magtungo ito sa Chicago.
Sa isang panayam, nanindigan si Carmina Castillo na tinangkang tumakas ni Trangia matapos madawit ang pangalan sa pagkamatay ni Atio.
Sinabi din ni Carmina na maaari naman makabili ng plane ticket basta’t mayroong itatakdang return date.
Hindi aniya maaaring makabili ng ticket na one-way lamang.
Naniniwala naman si Horacio Jr., ama ni Atio, na na-pressure lamang ang pamilya ni Trangia kung kaya bumalik ang mga ito sa bansa.
Matatandaang noong September 19, dalawang araw matapos mapaulat ang pagkamatay ni Atio, lumipad patungong Chicago si Trangia kasama ang inang si Rosemarie.
Kahapon naman bumalik sa bansa ang Aegis Juris fratman matapos mapaulat na planong i-revoke ng gobyerno ang kanyang passport.