P50,000 halaga ng shabu, nasabat sa dalawang drug den sa Payatas; 11 katao, arestado
Timbog ang labing isang katao sa ikinasang drug buy bust at raid operation ng mga tauhan ng Quezon City Police Station 6 sa kanto ng Visayas at Bicol Street, sa Barangay Payatas B, lungsod ng Quezon.
Nakuha mula sa mga suspek ang 32 plastic tubes na naglalaman ng hinihinalang shabu. Aabot naman sa P50,000 ang street value ng mga ito.
Nasabat rin mula sa mga suspek ng dalawang cellphone, mga drug paraphernalia, at isang libong buy bust money.
Kinilala ang mga tulak ng droga na sina Rodora Clemente alyas Alma, Rosalinda Del Corro, Jaycee Agundo alyas Barang, at Bessy Nava.
Nahuli rin ng mga otoridad ang pito pang katao na naaktuhan sa gitna ng pot session sa lugar. Ito ay sina John Michael Vargas, Jimmy Padilla, Rommel Pidal, Darwin Pablo, Marvin Dela Cruz, Adrian Dela Cruz, at Roward Simoy.
Ayon kay Police Chief Inspector Sandie Caparroso ng QCPD Station 6, sa mga nakarolyong plastic nakasilid ang mga ipinagbabawal na gamot para madali itong ilusot sa mga butas sa pader ng mga drug den at bahay ng mga tulak.
Sa katunayan, aniya, pagpasok pa lamang sa compound ay nanalubong na ng mga tulak ng droga at lantarang nag-aalok ng shabu.
Dagdag pa ni Caparroso, mayroong isang unit sa lugar na ginagamit bilang parlor ngunit ‘front’ lamang ito ng mga suspek. Pagpasok sa sumunod na kwarto ng parlor ay mayroong malaking lugar kung saan ginagawa ang pot session.
Sa naturang lugar din ay mayroong dalawang lagusan palabas na hindi kapansin-pansin. Ito ang ginagamit ng mga suspek para sa madaliang pagtakas sakaling salakayin sila ng mga pulis.
Kasalukuyang nakapiit ang labing isang mga suspek sa detention facility ng QCPD Station 6. Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Section 5, 11, 13, 14, 15, at 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang pinaka-ugat ng kalakalan ng iligal na droga sa lugar na matagal nang mailap sa mga operasyon ng mga pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.