Ito’y matapos mabigo ang Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng pamumuno noon ni Faeldon na mapigilan ang pagpasok ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa bansa mula sa China.
Nakasaad ito sa draft ng report ng komite ni Sen. Richard Gordon na eksklusibong nakuha ng Inquirer.
Maliban kay Faeldon, nais din nilang sampahan ng kasong kriminal sina Gerardo Gambala na nagbitiw na sa pagiging deputy commissioner ng ahensya, dating Intelligence Service chief Neil Estrella, Intelligence Officer Joel Pinawin, at dating Import Assessment Services director Milo Maestrecampo.
Dahil naman ito sa kabiguan o kakulangan nila sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa ahensya.
Maari din silang maharap sa mga kasong paglabag sa ilang probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, itinuturing rin ng komite na “quintessential corruptor” at sentro ng katiwalian sa BOC ang customs broker na si Mark Taguba.
Iminungkahi rin ng komite na masampahan ng hindi bababa sa apat na kasong kriminal si Taguba dahil sa pag-facilitate nito sa shipment na naglalaman ng P6.4 bilyong halaga ng shabu.
Naniniwala din ang komite na sa kabila ng pagbubunyag niya ng mga pangalan ng mga Customs officials na tumatanggap umano ng payola, dapat managot si Taguba dahil sa panunuhol sa ilang indibidwal para makalusot ang containers ng kaniyang mga kliyente.
Ayon pa sa report, si Taguba ay ang “central figure” ng nakamumuhing corrupt chain.
Kabilang sa mga isasampang kaso laban kay Taguba ay ang paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pag-aangkat ng droga, Customs Modernization and Tariff Act, kasong may kinalaman sa panunuhol sa mga tauhan at opisyal ng gobyerno, at obstructing the apprehension and prosecution of criminal offenders.
Napansin rin ng komite ang anila’y matinding indikasyon na nagsinungaling si Taguba sa kaniyang mga testimonya sa mga pagdinig ng Senado.