Inihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na masyado pang maaga para magkomento tungkol sa draft report na ekslusibong nakalap ng Inquirer.
Ito ay tungkol sa rekomendasyon ng Senate blue ribbon committee na ipa-lifestyle check sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kapatid niyang si Vice Mayor Paolo Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.
Ayon sa alkalde, sa kaniyang opinyon ay isa itong “unreasonable recommendation” dahil naka-base lamang ito sa aniya’y chismis ng customs broker na si Mark Taguba at mga kasinungalingan ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Gayunman, tiniyak naman ni Sara na bukas sila sa imbestigasyon ng Ombudsman, lalo’t mabibigyan sila ng pagkakataon na sagutin ang mga akusasyon sa kanila.
Welcome rin aniya sa kanila na maisailalim sa lifestyle check ang kaniyang asawa upang matapos na ang isyu.
Giit ng alkalde, si Trillanes ay isang “paid troll” na kumukuha lang ng impormasyon gamit ang kaniyang mga kasinungalingan at akusasyon.
Kinwestyon rin niya ang katotohanan ng mga akusasyon ni Trillanes dahil kung totoo aniya ang mga ito ay hindi na hihingi ang senador ng ebidensya mula sa kanila.
Nakasaad naman sa report ng Senate blue ribbon committee na walang ebidensyang nailabas para maikonekta ang dalawa sa umano’y smuggling at paglulusot ng mga kontrabando sa Bureau of Customs.
Ang nasabing draft report ay may kaugnayan sa akusasyon na kasapi sina Paolo Duterte at Manases Carpio sa umano’y “Davao Group” na sangkot sa smuggling.