Pagmamaneho nang walang kasama sa EDSA, pinag-iisipang ipagbawal
Maaring hindi na makadaan sa EDSA ang mga nagmamaneho nang mag-isa o walang kasama oras na ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang carpooling scheme na hihimok sa publiko na sumabay sa kanilang mga kaibigan o kaopisina sa biyahe.
Sa naganap na Metro Manila Council meeting, tinanong ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) ang MMDA kung paano pa mas maipatutupad ang nasabing carpooling scheme, at kung paano ito makakatulong na pagaanin ang problema ng trapiko sa mga kalsada lalo na sa EDSA.
Ayon kay MMDA assistant general manager for planning Jojo Garcia, sa ilalim ng polisiya ay magiging exempted sa number coding scheme ang mga driver na may sakay na tatlo o mahigit na pasahero at maaring dumaan sa EDSA kahit anong oras.
Maari pa rin namang dumaan sa EDSA iyong may mga dalawang pasahero lamang pero hindi aniya exempted ang mga ito sa number coding scheme.
Pero para naman sa mga mag-isa lang na nagma-maneho, hindi sila maaring dumaan sa EDSA kahit anong oras, at makakadaan lamang sila sa mga alternatibong ruta patungo sa kanilang pupuntahan.
Gayunman, papayagan pa rin naman sila na tumawid sa mga intersections na dadaan ng EDSA.
Oras na maipatupad na ito, magiging epektibo ang bagong polisiya mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi mula Lunes hanggang Biyerenes.
Sasakupin lang ng nasabing traffic scheme ang kahabaan ng EDSA mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa Magallanes sa Makati City.
Ayon kay Garcia, iminungkahi nila ito base sa hawak nilang datos kung saan nakasaad na 78 percent ng mga sasakyan sa Metro Manila ay sinsasakyan lang ng driver nito, at wala nang ibang pasahero.
Dahil aniya dito, lalong dudami ang sasakyan sa kalsada na nagdudulot ng mas masikip na daloy ng trapiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.