Bago ang mass shooting sa Las Vegas, gunman, namaril na ng gwardya sa Mandalay Bay

Namaril muna ng security guard ang gunman sa Las Vegas mass shooting bago ang ginawa niyang pamamaril sa mga nanonood sa concert na nagresulta sa pagkasawi ng 58 katao.

Sa updated timeline na inilabas ng Las Vegas Metropolitan Police, anim na minuto bago ang mass shooting, binaril ni Stephen Paddock ang isang gwardya na nakita niya sa 32nd floor ng
Mandalay Bay hotel.

Sugatan ang nasabing gwardya na iimbestigahan lang sana ang kwartong nakabukas ang pintuan malapit sa kwarto ni Paddock.

Sa mga inimbestigahang video, ilang beses ding nakita si Paddock na nag-iisa at nagsugal isang gabi bago ang krimen.

Aminado naman si Clark County Sheriff Joseph Lombardo na hanggang sa ngayon, hirap pa rin silang malaman kung ano ang nagbunsod sa suspek para gawin ang pamamaril.

Bago kasi ang ginawa niyang pamamaril, walang ano mang indikasyon na may pinaplano itong krimen base na rin sa pakikipag-usap ng FBI sa kaniyang mga kaanak at girlfriend na si Marilou Danley.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...