Negosyante, patay sa pamamaril sa Barangay Commonwealth, Quezon City
Harap-harapang pinagbabaril sa ulo hanggang sa mapatay ang isang lalaki sa tabi ng terminal ng jeep sa gilid naman ng Commonwealth Market sa lungsod Quezon.
Nakilala ang biktima na si Rommel Roque alyas Big Boy, tatlumpu’t tatlong taong gulang at residente ng Obamic Street sa Barangay Commonwealth.
Si Roque ay mayari ng isang katayan ng manok sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa kapatid ni Roque na si Janifer, nagkakape lamang ang biktima sa tapat ng kanilang katayan ng manok nang bigla na lamang pagbabarilin sa ulo ng dalawang hindi namukhaang mga salarin.
Dagdag pa ng kapatid ng biktima, posibleng away sa negosyo ang sanhi ng pamamaril.
Ayon naman sa isang barangay volunteer na si Mercy Rosales, sa pagkakaalam niya ay walang record sa barangay ang biktima.
Sinegundahan naman ito ni Janifer at sinabing mabait ang kapatid at walang bisyo.
Sa katunayan, aniya, galit si Roque sa mga nagbibisyo.
Sampung basyo ng bala ang narekober mula sa crime scene.
Sa ngayon, hustisya ang sigaw ng kapatid ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.