Matatandaang napikon si Pimentel sa pagtawag ni Dela Rosa kamakailan sa mga kritiko ng war on drugs ng pamahalaan bilang mga “ingrato.”
Gayunman, pinayuhan ni Dela Rosa si Pimentel na lumabas sa lansangan at itanong sa mga taong naroon kung ligtas ba ang kanilang pakiramdam.
Giit ni Dela Rosa, isa lamang siyang pulis at hindi siya makikipagtalo sa isang senador, lalo na sa Senate President.
Pero kung kinukwestyon aniya nito ang peace and order, mas makabubuting tanungin niya mismo sa mga tao sa lansangan kung mayroon talaga silang nararamdaman na pagbabago.
Ibinida pa ni Dela Rosa na nahuli pa nga ng mga pulis ang mga suspek sa pagpatay sa konsehal ng Puerto Galera na si Melchor Arago at sa menor de edad nitong anak na si Kenneth.
Nagalit din kasi si Pimentel sa pagkamatay ng mag-amang Arago, at saka kinwestyon ang pagbabalik ng peace and order sa pamamagitan ng madugong war on drugs.
Samantala dagdag pa ni Dela Rosa, hindi naman patas para sa pulisya na laging sa kanila isisi ang paggawa ng krimen ng mga tao dahil hindi naman nila maaring manipulahin ang isip ng mga ito para huwag gumawa ng masama.