Tinukoy ni PAO Chief Persida Acosta ang bagong testigong kanilang iprinisinta na si Joel Cruz, isang empleyado ng puneraryang kumuha sa bangkay ni Arnaiz mula sa crime scene.
Ayon kay Acosta, nagtutugma ang testimonya ni Cruz sa mga findings ng kanilang forensic team pagdating sa oras ng pagkamatay ni Carl.
Samantala, iginiit naman ni Acosta na tututulan nila ang apela ng taxi driver na si Tomas Bagcal na maging government witness.
Ani Acosta, limang bersyon na ng storya ang kanilang narinig mula kay Bagcal at maraming nabago sa mga ito.
Sa una aniya ay sinabi ni Bagcal na baril ang ginamit ni Arnaiz na inaakusahan niyang holdaper, ngunit kalaunan ay sinabi nitong kutsilyo ang ginamit nito at hindi baril.
Paiba-iba rin aniya ang sinasabi ni Bagcal tungkol sa oras kung kailan nangyari ang insidente.
Humarap na kahapon sa preliminary investigation sina Bagcal at ang dalawang pulis Caloocan na sina PO1 Ricky Arquilita at Jeffrey Perez kaugnay sa mga kasong double murder, torture at planting of evidence na isinampa sa laban sa kanila ng mga magulang nina Arnaiz at De Guzman.
Mayroon silang hanggang October 19 para tumugon sa reklamo sa pamamagitan ng pagsusumite ng counter-affidavit.