Piston: 2 araw na tigil-pasada tuloy sa susunod na linggo

By Isa Avedaño-Umali October 09, 2017 - 04:10 PM

Inquirer photo

Wala nang atrasan ang panibagong tigil-pasada ang mga miyembro ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON.

Ito na ang ikatlong strike ng PISTON ngayong taon na layong kontrahin ang jeepney phase-out at programang modernisasyon ng pamahalaan.

Sa isang press conference, inanunsyo ni PISTON President George San Mateo na gagawin nila ang transport strike sa October 16 at 17.

Target ng grupong PISTON na maparalisa ang mga biyahe sa lungsod Quezon maging sa iba pang panig ng bansa.

Sinabi ni San Mateo na maraming tsuper at operators sa Luzon, Visayas at Mindanao ang nagbigay na ng commitment ng pagsali sa transport strike.

Paglilinaw naman ni San Mateo, hindi raw sila nanggulo at tanging hangad lamang na ipaglaban ang kanilang kabuhayan at ang mga jeepney bilang hari ng lansangan.

Hinimok rin ng lider ng PISTON ang, iba’t ibang mga grupo pati ang Stop and Go coalition na sumama sa tigil-pasada.

Nauna nang nagsagawa ng transport strike ang Stop and Go coalition na tutol din sa jeepney phase-out.

Dagdag ni San Mateo, sana raw ay ipatigil mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang modernization program at pagphase-out sa mga pampasaherong jeepney, na mag-uumpisa sa Enero 2018.

Sa statement naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board or LTFRB, naghahanda na ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang maayudahan ang mga maaapektuhang mananakay sa dalawang araw na tigil-pasada.

TAGS: jeepney stike, Metro Manila, PISTON, San Mateo, jeepney stike, Metro Manila, PISTON, San Mateo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.