Mga pribadong empleyado sa Metro Cebu, makatatanggap na ng P13 daily wage hike
Tanging mga empleyado sa pribadong sektor sa Metro Cebu ang makakatanggap ng P13 na dagdag sa kanilang arawang sahod na magreresulta sa pagkakaroon ng P353 na minimum wage mula sa dating P340 lang.
Ito ay ayon sa bagong wage order na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Region 7 matapos itong maaprubahan sa kanilang pulong kahapon.
Hindi naman kasama ang mga bahagi ng nasa Central Visayas tulad ng Bohol at Siquijor, at maging ang ibang bahagi ng probinsya ng Cebu sa sakop ng dagdag sahod.
Ayon kay Central Visayas RTWPB chair at Department of Labor and Employment regional director Exequiel R. Sarcauga, hindi pinagkalooban ng pagtaas sa sahod ang ibang bahagi ng Central Visayas dahil mas mataas na ang kanilang pasahod kung ikukumpara sa ibang lugar.
Iaakyat naman ang nasabing aprubadong wage order sa National Wages and Productivity Commission, at sa oras na maaprubahan na rin ito ng komisyon, ibabalik ito sa Cebu at ilalagay na ito sa mga lokal na pahayagan para maipaalam sa lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.