Presyo ng passport application, hindi dapat taasan – Poe

 

Isinusulong ngayon ni Sen. Grace Poe na pigilan ang pagtataas ng halaga ng passport application at renewal sa pamamagitan ng price freeze.

Una nang iginiit ng senadora na dapat magkaroon ng “anti-passport price increase” sa panukalang budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa susunod na taon.

Ito’y para hindi taasan ng DFA ang mga passport fees ngayong extended na ng 10 taon ang validity ng mga pasaporte alinsunod na rin sa bagong batas.

Ayon kay Poe, hindi kailangang taasan ang presyo kung mananatili namang pareho ang bilang ng mga pahina ng pasaporte.

Dagdag pa ng senadora, sasapat pa rin naman ang 44-pahina ng kasalukuyang disenyo ng passport dahil hindi naman lahat ng Pilipino ay jet-setter.

Nais lang aniya nilang tiyakin na ang extension sa validity nito ay hindi mangangahulugan na mado-doble na rin ang presyo ng pasaporte.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto ang Republic Act 10928 na nagpapahaba sa period of validity ng passport mula sa dating lima na ngayon ay sampung taon na.

Ang kasalukuyan namang presyo ng passport application ay P950 para sa regular processing na matatanggap ng applicants sa loob ng 15 araw, at P1,200 naman para sa express processing na makukuha matapos lang ang isang linggo.

Read more...