Pagtatalo, narinig sa lugar kung saan natagpuan ang mga bangkay ng magkasintahan sa Rodriguez, Rizal
Nakarinig umano ang mga construction worker ng pagtatalo sa pagitan ng isang babae at lalaki sa lugar kung saan natagpuan ang mga bangkay ng magkasintahang estudyante sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Henry Molina na isang foreman, bandang ala una ng madaling araw noong Huwebas ay nakarinig siya at kanyang mga kasamahang construction worker ng pagtatalo.
Aniya, tila pinupwersa ng lalaki ang isang babae na pumunta sa lugar.
Ayon kay Molina, sinabi umano ng babae na wala sa kanilang pinag-usapan ang ‘ganoong bagay.’
Narinig rin umano nila na sinabi ng isang lalaki na harangan at habulin ang kausap na babae dahil baka makatakas pa ito.
Paliwawag ni Molina, natakot silang lumapit sa lugar dahil baka umano may baril ang lalaki.
Ayon naman kay Mario Bautista, Head of Security ng Amityville Subdivision kung saan naganap ang krimen, natagpuan niya ang mga bangkay nila Charmaine Villarias at John Vincent Umiten habang sila ay nagsasagawa ng roving sa lugar.
Aniya, dati na kasing nagkaroon ng mga krimen sa lugar at sini-sigurado nilang mga gwardya na walang makakapasok na informal settler sa kanilang lugar.
Ayon sa mga imbestigador, tinitingnan nila ang anggulong pagnanakaw na motibo sa pagpatay dahil wala na ang mga cellphone at wallet ng mga biktima nang sila ay matagpuan.
Dagdag pa nila, dati na ring nagkaroon ng insidente ng pagnanakaw sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.