Pilipinas, ‘breeding ground’ ng mga terorista ayon sa Pinoy na jihadist plotter
Ipinagmalaki ng isang Pilipinong suspek sa napigilang pag-atake sa New York City na ang Pilipinas ay isang ‘breeding ground’ ng mga terorista.
Ito ang sinabi ng US Justice Department matapos nilang makapanayam si Russell Salic, at mga kasamang sina Abdulrahman El Bahnsawy at Talha Haroon.
Matatandaang kinasuhan ang tatlo dahil sa pagiging sangkot ng mga ito sa planong paglulunsad ng pag-atake sa ngalan ng Islamic State sa panahon ng Ramadan noong 2016.
Sa isang pahayag na inilabas ng US Embassy, sinabi umano ni Salic na hindi mahigpit ang mga batas sa Pilipinas kontra sa terorismo, hindi kagaya ng Australia at United Kingdom.
Ayon pa umano kay Salic, pumupunta ang mga terorista mula sa ibang mga bansa sa Pilipinas para gawin itong ‘breeding ground’ ng mga terorista.
Napag-alaman din na mula sa Pilipinas ay nagpadala si Salic ng nasa $423 sa mga kapwa terorista bilang preparasyon sa naunsyami nilang pag-atake sa New York, kung saan target nilang atakihin ang subway, Times Square, at ilang mga concert venues.
Naaresto sa Pilipinas si Salic noong April 2017, habang sa New Jersey naman naaresto si El Bahnasawy noong May 2016, at si Haroon sa Pakistan noong September 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.