Ipinagtanggol ng Malacañang ang Philippine National Police kaugnay sa mga batikos sa isyu ng extrajudicial killings sa bansa.
Ito ay makaraang sabihin ng PNP na walang kaso ng ejk sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ibinase ng PNP ang kanilang pahayag sa operational guidelines ng mga pulis alinsunod sa Administrative Order number 35.
Ayon kay Abella, malinaw na nakasaad sa nasabing E.O na ang mga kaso ng ejk ay nakapaloob kung ang biktima ay kasapi ng isang organisasyon na may partikular na adbokasiya, o kaya naman ay kasapi ng iba’t ibang samahan tulad ng media, political party at iba pa.
Nauna nang sinabi ni Commission on Human Rights Chairman Chito Gascon na nagtatago sa likod ng definition ng batas ang PNP sa isyu ng EJKs.
Sinabi naman ni Sen. Bam Aquino na ang technical definition ng EJKs na ginagamit ng PNP ay nagpapatunay lamang na may itinatago ito lalo’t marami sa mga casualties at sadyang pinatay sa mga police operations.