Aabot sa P5 Billion na pondo na hindi nagamit para sa mga biktima ng bagyong Yolanda noong 2013 ang gagamitin para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Sinabi ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman na pwede mai-realign ang pondo at ang malaking bahagi nito ay ibibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binanggit rin ni Hataman na ang ARMM ay nakikipag-ugnayan sa World Food Program at International Committee of the Red Cross para sa inisyal na paghahanda sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Idinagdag pa ni Hataman na nakipag-ugnayan na sa kanila ang San Miguel Corporation kung saan ay nangako ang nasabing kumpanya na magtatayo sila ng 1,000 bahay sa lungsod.
Nangako rin ang PAGIBIG Funds na magbibigay sila ng housing project loans para sa mga empleyado ng Mindanao State University at iba pang empleyado ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nasisimulan ang rehabilitasyon ng lungsod dahil umaabot pa sa 50 mga teroristang kasapi ng Maute group ang patuloy pa ring nagkukuta sa natitira nilang kampo sa loob ng Marawi City.