Lalaking nanggahasa at pumatay sa isang babae sa QC, sumuko dahil sa konsensya

FILE PHOTO

Hindi na kinaya ni Aries Pascua na tiisin ang kaniyang konsensya matapos niyang gahasain at patayin ang dating kinakasama ng kaniyang kapatid sa apartment nito sa Quezon City.

Ayon kay Pasc

ua, sa tuwing ipinipikit niya ang kaniyang mga mata, lagi niyang nakikita ang mukha ng biktima niyang si Sharon Morales.

Dahil dito, kusa nang sumuko si Pascua sa mga pulis at isinalaysay kung paano niya ginawa ang krimen.

Natagpuang patay si Morales noong September 29 sa ilalim ng kaniyang kama sa loob ng apartment na kaniyang inuupahan sa Maya street, Barangay Commonwealth matapos ipaalam ng ina ni Pascua na si Esperanza sa mga otoridad ang tungkol sa masangsang na amoy na mula na pala sa nabubulok na bangkay nito.

Pagkatapos gawin ang krimen, biglang naglaho nang parang bula si Pascua, pero nitong Lunes ay bumalik na mula sa Quezon province para sumuko sa mga pulis.

Ikinwento ni Pascua na pumasok siya sa unit ni Morales noong September 27 na noon ay nadatnan niyang lasing.

Pumasok siya sa kwarto nito para maghanap ng pera ngunit nahuli siya ng biktima, kaya para mapigilan itong mag-ingay at magsumbong, sinakal niya si Morales hanggang sa himatayin.

Inamin ni Pascua na hinalay si Morales habang wala itong malay, ngunit nang magsimula itong gumalaw muli ay tinapakan niya ang leeg nito at saka pinagsusuntok ang mukha para matiyak na patay na ito.

Itinago niya ang bangkay sa ilalim ng kama at tumakas bitbit ang cell phone ng biktima na ginamit niya para magsend ng mga text sa kaniyang ina at magpanggap na si Morales.

Sa pagpapanggap ni Pascua bilang Morales, sinabi nito kay Esperanza na umalis na siya sa apartment at sumama sa ibang lalaki, pagkatapos ay ibinenta na niya ang nasabing cell phone.

Kinasuhan na ng Quezon City Police District si Pascua ng robbery with rape and homicide.

Read more...