Aprubado na ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang mosyon ng Bureau of Internal Revenue na iatras ang mga isinampang kaso laban sa Mighty Corporation hinggil sa hindi nito pagbabayad ng tamang buwis.
Base sa dalawang pahinang resolusyon na may petsang October 2, inaprubahan nina Prosecutors Sebastian Capulong Jr., Ma. Lourdes Uy at Mary Ann Parong ang motion to withdraw na inihain ng BIR noong September 26.
Nabatid na inaprubahan na rin ni Acting Prosecutor General George Catalan Jr. ang resolusyon.
Bunga nito moot and academic na ang hirit ng Mighty Corp., na magsagawa pa ng muling pag-iimbestiga sa mga kasong inihain laban sa kanila.
Naging batayan naman ng BIR sa mosyon nito ang resolusyon na nagbibigay kapangyarihan sa BIR commissioner na makipag-kompormiso sa kumpanya.
Magugunita na inireklamo ng BIR ang naturang kumpaniya ng sigarilyo dahil sa paggamit ng mga pekeng tax stamps sa pakete ng kanilang mga produkto.
Tatlong tax evasion cases ang inihain ng BIR laban sa Mighty Corp., at ang kumpaniya ay hinahabol sa P37 bilyon utang na buwis sa gobyerno.