Mas maluwag na curfew, ipatutupad ng Maynila

 

Magiging mas “child friendly” at maluwag na ang curfew ordinance na balak ipatupad ng lungsod ng Maynila.

Ito’y matapos ipahinto ng Korte Suprema ang curfew ng lungsod dahil sa pagiging unconstitutional nito.

Simula ngayong araw ay isasalang sa public hearings ang bagong panukalang ordinansa na akda ni District 5 Councilor Ricardo Isip Jr., matapos itong makalusot sa unang pagbasa noong Agosto.

Sa ilalim ng bagong panukala, iiral ang curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Ayon kay Isip, inalis na nila ang probisyon sa dating curfew ordinance na nagbibigay parusa sa mga menor de edad tulad na lamang ng pagkukulong sa kanila.

Ngayon aniya, ang mga magulang o guardians ng mga kabataan ang kanilang pananagutin.

Ang mga magiging parusa mula sa first hanggang third offense para sa mga magulang o guardians ay multa at pagsailalim sa kanila sa community service.

Para naman sa mga ika-apat at susunod pang paglabag, mamumultahan na ang mga ito ng P5,000, makukulong ng anim na buwan o pareho, na may kasama pang pagpapadalo sa kanila sa isang araw na seminar sa responsible parenting.

Read more...