Iginiit ni LP president Sen. Francis Pangilinan na walang katotohanan sa alegasyon ni Duterte laban sa kanila, na inilarawan niya pa bilang “fake ouster plot.”
Ang tanging masasabi lang ni Pangilinan, ay sa tuwing pinuputakti na lang ng kritisismo ang administrasyon ni Duterte, laging ang mga “dilaw” at mga komunista ang itinuturo niyang nagsasabwatan para guluhin ang kaniyang pamumuno.
Ayon pa kay Pangilinan, naghahanap lang ang administrasyon ng paraan para maialis ang atensyon ng media at ng publiko sa mga kontrobersya sa gobyerno tulad ng katiwalian, drug smuggling at hindi epektibong drug war.
Samantala, sinabi naman ni Bayan secretary-general Renato Reyes na gumagawa lang si Duterte ng sarili niyang multo.
Bagaman iginiit niyang kasapi sila sa malawakang kilusan para labanan ang tyranny at panunumbalik ng diktadurya, sinabi naman niyang walang sabwatang nagaganap sa pagitan nila ng LP.
Sa pahayag naman ng Communist Party of the Philippines, lumalabas na ang mga ganitong alegasyon ay nagta-target na patahimikin ang mga oposisyon at iba pang mga pwersang naninindigan laban sa mga hakbang ng administrasyon na gawing authoritarian ang pamumuno ni Duterte.
Sa totoo lang anila, ang sinasabing “conspiracy” ni Duterte ay isa lamang malawak na komunidad ng mga grupong nais labanan ang walang saysay na pagpatay ng mga pulis, sundalo at vigilantes at iba pang hindi katanggap-tanggap na mga hakbang ng administrasyon.