Ayon kay Marcos, nakatitiyak siyang oras na magsimula na ang recount, lalabas na ang tunay na resulta na magpapatunay rin na mali ang pagkakabilang sa mga boto sa nagdaang eleksyon.
Matatandaang halos naging dikit ang laban sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at Marcos noong nagdaang 2016 elections.
Kinukwestyon ngayon ng kampo ni Marcos ang pagkapanalo ni Robredo dahil sa maling bilang.
Samantala, kinumpirma rin ni Marcos na nakikipag-ugnayan na sila kay Pangulong Rodrigo Duterte para wakasan na ang tatlong dekadang paghahanap sa bilyong dolyar na halaga ng yaman na umano’y ninakaw ng kaniyang mga magulang.
Nabanggit din ni Bongbong na nag-aalok na ang kanilang pamilya na lumagda sa isang “quit claim” deed.
Tutukuyin dito ang mga ari-arian nila na nabili nila sa legal na paraan, at isusuko ang claim sa kung anuman ang makita ng gobyerno.