Reklamo ng negosyanteng si Ramon Ang laban sa GMA, ibinasura
Dinismiss na ng Department of Justice ang reklamong syndicated estafa na inihain ng negosyanteng si Ramon Ang laban sa mga opisyal ng GMA Network.
Ito’y matapos na mangako ang GMA na isosoli ang isang bilyong pisong ibinayad ni Ang bilang downpayment sa ‘buy-in’ sana sa naturang TV Network.
Paliwanag ni Ang, pumayag na ang Gozon Group na isauli ang naturang halaga kaya’t naghain na sila ng affidavit of desistance sa DOJ upang iurong ang reklamo.
Una rito, naghain ng complaint-affidavit si Ang at inakusahan sina Atty. Felipe M. Gozon, Anna Teresa Gozon-Abrogar, Ismael Augusto S. Gozon, Belinda G. Madrid, Ma. Erlinda G. Gana, Jaime Javier Gana, Florencia Gozon Tarriela, Edgar Tarriela, at Tricia T. Valderrama dahil sa pagtanggi na isoli ang naturang halaga matapos bumagsak ang negosasyon para sa pagbili ng share sa GMA.
Nakatakda sanang bumili ng share ang grupo ni Ang sa GMA ngunit hindi natuloy ang nasabing transaksyon kaya’t hiniling ng panig ni Ang na maibalik ang downpayment na kanilang ibinigay sa Gozon Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.