WATCH: 11 katao arestado sa buy-bust operation sa Payatas, Quezon City

Kuha ni Justinne Punsalang

Arestado ang labing isang katao, kabilang ang isang babae, sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga pulis ng Quezon City Police Station 6 sa isang bahay sa Sierra Madre Street, Barangay Payatas.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Ricardo Medina alyas “Amang Randy,” 56-anyos; Avelardo Medina alyas “Abeng” 41-anyos; Arturo Buen, Jr. alyas “Popong,” 27-anyos; Carmelo Dela Peña, 24-anyos; Edgar Yusay, 42-anyos; Mike Jordan Dollente, 26-anyos; Christian Maraño, 24-anyos; Sammy Ramos, 41-anyos; at Jessica Lostuna, 21-anyos.

Narekober mula sa mga suspek ang labing isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang bukas na plastic sachet na mayroong shabu residue, mga drug paraphernalia, at limandaang pisong buy bust money.

Bukod sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga, ang mga suspek ay nahuli ring nagsusugal. Kaya naman nasabat rin mula sa mga ito ang barahang ginagamit sa pagsusugal at 120-pesos na bet money.

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, kilalang tulak ng droga sa lugar si alyas Amang Randy at mga kasabwat nitong sina alyas Abeng at Popong.

Matapos ang transaksyon ay agad na naaresto ang tatlong mga suspek. Sinalakay rin ng mga otoridad ang bahay ni alyas Amang Randy, kung saan naaktuhang gumagamit ng iligal na droga ang walo pang katao habang nagsusugal, dahilan upang arestuhin rin ang mga ito.

Kasalukuyang nakapiit ang labing isang mga drug suspects sa detention facility ng QCPD Station 6. Ang mga suspek ay haharap sa magkapatong na kasong paglabag sa Republic Act 9165 at Presidential Decree 1602.

 

 

 

 

Read more...