Magbibigay ng libreng sakay ang Light Rail Transit Line-1 (LRT-1) para sa mga senior citizens sa Linggo, October 8.
Ayon sa operator nito na Light Rail Manila Corp. (LRMC) na ito ay bilang paggunita sa Elderly Filipino Week.
Sa inilabas na pahayag ng LRMC, magiging available ang libreng sakay sa lahat ng 20 istasyon ng LRT-1 mula sa Baclaran hanggang Roosevelt.
Ang unang trip nito ay aalis sa mga istasyon ng 4:30 ng umaga, habang ang last trip naman pa-northbound ay aalis sa Baclaran ng 9:30 ng gabi, at ang southbound naman ay aalis sa Roosevelt ng 9:45 ng gabi.
Para makakuha ng libreng single journey tickets, kailangan lamang nilang ipakita ang kanilang senior citizen ID o anumang ID na may nakalagay na petsa ng birthdate.
Para naman sa mga may stored value cards, tumungo lamang sa mga on-site tellers para ma-activate ito at upang hindi mabawasan ang load na laman nito.
Ayon pa sa LRMC, ang special treat na ito para sa mga nakatatanda ay inisyatibo ng kanilang kumpanya, katuwang ang Senior Citizen Party List para bigyang pugay ang mga nakatatanda.