Dating pulis na naging drug pusher, patay sa buy-bust sa Aklan

 

Napatay ng mga pulis ang isang dati nilang kasamahan sa isinagawa nilang buy-bust operation sa bayan ng Talibon sa Aklan.

Kinilala ang napatay na si Edgardo Bunado, na isang dating police officer 2 ngunit nag-absence without leave.

Ayon kay Senior Insp. Jojit Mananquil ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Bohol Provincial Police Office (BPPO), naging isang high-value target na sa kampanya laban sa iligal na droga si Bunado simula noon.

Huli siyang naitalaga sa Siquijor bago siya mag-AWOL at base sa pagmamatyag sa kaniya ng mga pulis, nagtitinda ng palamig si Bunado sa bayan.

Gayunman, lumabas sa kanilang surveillance na nagbebenta rin umano ng shabu si Bunado.

Nang mapag-alaman ito ng mga pulis, saka sila nagkasa ng buy-bust operation laban kay Bunado kahapon ng umaga sa Barangay San Isidro, bayan ng Talibon.

Nang mapansin ni Bunado na pulis ang kaniyang katransaksyon, agad anila itong bumunot ng baril mula sa kaniyang bewang pero naunahan siya ng mga operatiba sa pagpapaputok.

Dinala pa sa Talibon District Hospital si Bunado pero idineklara ring dead on arrival.

Nakuha naman mula sa katawan ni Bunado ang 14 maliliit na sachet ng shabu, siyam na medium-sized na pakete ng shabu at P500 na halaga ng marked money.

Read more...