Sen. Bam Aquino at Asec. Mocha Uson, nagkainitan sa senate hearing kaugnay sa fake news

By Ruel Perez October 04, 2017 - 12:47 PM

Kuha ni Ruel Perez

Bahagyang naging tensyonado ang ginagawang pagdinig sa senado kaugnay sa paglaganap ng fake news lalo na sa social media.

Ginagawa ng senate committee on public information and mass media ang imbestigasyon base na rin sa panukala ng pitong senador na nakatanggap ng matinding batikos sa social media matapos umanong tumanggi na pumirma sa resolution 516 na kumokondena sa mga pagpatay sa mga menor-de-edad sa war on drugs ng Duterte administration.

Sa bahagi ng pagdinig, nagkainitan sina Senator Bam Aquino at Asec. Mocha Uson matapos itong tumanggi na sagutin ang katanungan ng senador kung sa dinami-dami ng kanyang mga blog laban sa oposisyon, nagkaroon ba ng pagkakataon na lumapit ito sa mga senador para kuhanin ang kanilang panig.

Iginiit ni Uson ang kanyang karapatan na sa una ay binanggit niyang ‘right to refuse’.

Iginigiit ni Bam na ‘answerable’ lamang naman ng ‘yes’ or ‘no’ ang kanyang tanong pero hindi napilit si Uson na sagutin ng direkta ang tanong.

Katwiran pa ni Uson, hindi tulad ng mainstream media, sa kanyang mga blog ipinapahayag lamang niya ang kanyang opinyon at di niya kailangan na kuhanin ang panig ng bawat isa na nilalaman ng kanyang blog.

Sa mga pagtatanong pa kay Uson, pinaratangan pa nito ang mainstream media, partikular ang ABS CBN at GMA 7 dahil umano sa pagpapakalat ng fake news laban sa kanya.

Mariin naman itong itinanggi ng mga nabanggit na networks.

Samantala, nauna dito isinisi ng mamamahayag na si Ellen Tordesillas ng Vera Files sa mga opisyal ng gobyerno ang pagkalat ng fake news.

Binigyang halimbawa ni Tordesillas si Pangulong Rodrigo Duterte, sa ginawa nitong pag-amin na inimbento lamang nito ang sinasabing bank accounts ni Sen. Antonio Trillanes IV na siya namang inilabas bilang balita nina Erwin Tulfo at maging ni Uson.

Paliwanag ni Tordesillas, bilang mga mamamahayag, obligasyon na i-quote ang isang opisyal ‘as accurately as possible’ sa mga sinabi nito at kung kasinungalingan ang sinabi ng opisyal, dapat ang opisyal ang managot at hindi ang miyembro ng mainsteam media.

Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang pagdinig ng komite na pinangungunahan ni Sen. Grace Poe bagaman no show si Cocoy Dayao, ang blogger na umano ay responsable sa #SilentNoMorePh na bumabatikos sa pitong senador na hindi pumirma sa senate resolution 516.

 

 

 

 

 

TAGS: ellen tordesillas, fake news, mocha uson, senate hearing, vera files, ellen tordesillas, fake news, mocha uson, senate hearing, vera files

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.