Matapos maipagpaliban, Barangay at SK elections, itinakda na lang sa May 2018
UPDATE: Kinumpirma na rin ng Malakanyang na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sana sa darating na October 23.
Mismong si Communications Secretary Martin Andanar ang nagkumpirma sa postponement ng Barangay at SK elections sa pamamagitan ng isang text message sa Inquirer.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10952 o An act postponing the October 2017 Barangay and Sangguniang Kabataan elections.
Nakasaad sa batas na ang Barangay at SK elections na dapat ay gagawin sa October 23 ay sa ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo taong 2018 na lamang isasagsawa.
Na susundan muli ng Barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng May 2020 at ang mga susunod ay gagawin na tuwing ikatlong taon.
Lahat ng incumbent brangay officials ay mananatili muna sa kanilang mga pwesto habang hindi pa naidadaos ang May 2018 elections maliban na lamang kung sila ay masuspinde o mapatawan ng pagkakasibak dahil sa paglabag.
Una nang inanunsiyo ni Commission on Elections spokesman James Jimenez sa kanyang Twitter account na pinirmahan na ng pangulo ang nasabing batas, gabi ng Martes.
Matatandaang sinabi ng Comelec na matutuloy ang nasabing halalan hangga’t walang napipirmahang batas na magpapaliban dito.
Binanggit din ni Jimenez na dapat ay pirmahan na ni Duterte ang nasabing batas bago ang pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy na una nang itinakda ng Comelec ang pagsisimula bukas, October 5.
Sinabi ng opisyal na magkaka-problema ang mga tatakbo na nakapaghain na ng COC kung biglang sususpindehin ang eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.