Pinangalanan na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pinaka-malalaki at pinaka-makapangyarihang mga pinagmumulan ng supply ng iligal na droga na nakakapasok sa Pilipinas.
Ayon kay PDEA director general Aaron Aquino, ito ay ang Bamboo Gang o iyong Bamboo Triad na sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, 14K o Hong Kong Triad at ang Sun Yee On.
Paliwanag ni Aquino, nakita ng tatlong grupo na magandang bentahan at transshipment point ang Pilipinas.
Madali kasi para sa kanila na mailusot sa mga borders ng bansa ang kanilang mga produkto dahil sa malalawak na karagatan sa paligid ng Pilipinas, at pati na rin sa mahinang seguridad nito sa mga baybayin.
Ani pa Aquino, nauwi na sa smuggling ng mga gawa na at hilaw pang sangkap ng droga ang mga drug triads, at na sa karagatan na rin nila ito iniluluto.
Ito aniya ay dahil sa pagkakahuli at pagkakabuwag ng mga malalaking shabu laboratories kamakailan.
Samantala, hinihigpitan naman na ng PDEA ang pagbabantay sa mga paliparan at pantalan para agad na maharang ang pagpasok ng mga droga sa bansa.
Kung ang Bamboo Gang ay naka-base sa Taiwan, ang 14K ay sa Hong Kong habang ang Sun Yee On triad naman ay sa mainland China.