Mayor Mabilog, ligtas na makakauwi sa bansa ayon sa Palasyo

 

Pinawi ng Palasyo ang mga pangamba ni Iloilo City Mayor Jed Mabilog tungkol sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya.

Isa ito sa mga nasabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella tungkol sa extended leave ni Mabilog na tatagal ng karagdagang 30 araw.

Ayon kay Abella, ipararating pa nila ito sa Office of the Executive Secretary upang malaman ang pananaw nila tungkol sa nasabing extended leave ni Mabilog.

Napabalitang ang pagpapahaba ni Mabilog ng kaniyang leave ay dahil sa problema sa kalusugan at mga pangamba para sa kaligtasan nila ng kaniyang pamilya.

Pero giit ni Abella, ligtas para kay Mabilog at sa kaniyang pamilya na bumalik sa bansa.

Nananaig naman aniya ang demokrasya sa Pilipinas at umiiral ang pagpapatupad ng batas.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ni Mabilog na si Atty. Mark Piad na hindi niya alam ang eksaktong kinaroroonan ng alkalde, ngunit ibinunyag niyang nagtanong nga ito sa kaniya kung ligtas ba siyang makakauwi sa bansa.

Read more...