‘Black Friday’ protest, ikinasa ng DOJ laban sa pagpatay sa mga state prosecutors

 

Hinimok ng Department of Justice (DOJ) ang lahat ng mga state lawyers at kanilang mga tauhan na magsuot ng kulay itim na damit sa Biyernes bilang pagkondena sa sunud-sunod na pagpatay sa ma prosecutors sa bansa.

Ito’y bilang pakikiramay na rin sa mga naiwang pamilya ng mga napatay na abogado.

Inilabas ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang Memorandum Circular No. 57, na nagpapahintulot sa kahilingan ng Prosecutors League of the Philippines, mga prosecutors sa buong bansa at mga kawani ng National Prosecution Service (NPS).

Sila kasi ang humiling na maisagawa ang Black Friday protest bilang pakikiisa sa mga pagtuligsa sa karahasan laban sa kanilang mga kasamahan.

Gayunman, nilinaw naman ni Aguirre sa nasabing memo na hindi naman ito mandatory at maari namang hindi sumunod ang mga kawani kung ito ay lalabag sa kanilang karapatang ihayag ang sariling damdamin.

Noong Biyernes lamang ay napatay sa pananambang si Assistant Provincial Prosecutor Reymun Luna sa Infanta, Quezon.

Sa ngayon ay inatasan na ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay kay Luna, na ika-anim na prosecutor nang napapatay mula pa noong October 2016.

Read more...