Wala umanong basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inihaing magkahiwalay na administrative complaint nina dating Congressmen Jing Paras, Glenn Chiong at Atty. Manuel Luna laban sa dalawang opisyal ng Office of the Ombudsman.
Ang pinagharap ng reklamo ay sina Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman.
Ito ay matapos ibunyag ng dalawang opisyal ng na mayroong milyong pisong laman ang bank record ni Duterte na galing umano sa anti-money laundering council.
Martes ng umaga nang inihain ang dalawang administrative complaint laban kina Carandang at Elman sa Office of the President.
Ang Office of the Executive Secretary naman na pinamumunuan ni Secretary Salvador Medialdea ang mangangasiwa sa pagdinig sa kaso.
Ayon kay Paras, naging adbokasiya na ng kanyang grupo na habulin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Bukod sa administrative complaint, nais din ng tatlo na ipatanggal sa serbisyo sina Carandang at Elman.
Reklamong graft and corruption at betrayal of public trust at pablabag sa civil service code ang isinampang reklamo laban sa dalawang opisyal ng ombudsman dahil sa paglalabas umano ng mga pekeng dokumento at tahasang paninira sa pangulo.