Patuloy na inaalam ng mga pulis ang iba pang impormasyon tungkol sa suspek na si Stephen Paddock na walang habas na namaril sa mga nanonood ng concert mula sa ika-tatlumpu’t dalawang palapag ng Mandalay Bay Casino Hotel.
Sa pinaka huling tala, hindi bababa sa limampu’t siyam ang nasawi habang mahigit limandaan ang nasugatan sa pamamaril na naganap sa kasagsagan ng performance ng music star na si Jason Aldean sa Route 91 Harvest Festival.
Nabatid na binasag ng gunman ang isang bintana ng Mandalay Bay Hotel bago pinaputukan ang mga concertgoers.
Naabutan naman ng mga otoridad si Paddock sa kanyang kwarto na wala nang buhay matapos magbaril sa sarili.
Humingi na ng tulong ang nag-iimbestiga sa nasabing kaso sa Federal Bureau of Investigation o FBI at sa iba pang federal agencies.
Samantala, mahigit 40 mga armas na at pampasabog ang natagpuan sa mga bahay at hotel room ni Stephen Paddock, ang namaril sa kasagsagan ng concert sa Las Vegas.
Sa kaniyang hotel room pa lamang sa Mandalay Bay, nasa 23 mga armas na ang nakuha ng mga otoridad.
Habang 19 na armas pa na may kasamang mga pampasabog at libu-libong bala ang nakuha sa kaniyang tahanan sa Mesquite, Nevada.
Kabilang din sa isinasailalim sa pagsusuri at imbestigasyon ang ilang electronic devices na nakuha mula sa mga tinitirahan ng suspek.