WATCH: Lalaki na dating gumagamit ng droga, pinagbabaril, patay sa Tondo, Maynila

By Cyrille Cupino October 03, 2017 - 09:47 AM

Kuha ni Cyrille Cupino

Labis na paghihinagpis ang nararamdaman ng isang ina matapos pagbabarilin ang kanyang panganay na anak sa kanto ng Tioco at Herbosa St., Brgy. 91, Zone 8, Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Aldrin Castillo, 32 anyos, nagta-trabaho bilang isang welder.

Galing umano sa inuman ang biktima at pauwi na sana sa kanilang bahay nang tambangan ng hindi bababa sa anim na suspek na sakay ng mga motorsiklo.

Wala nang nagawa ang ina ng biktima na si Nanette kundi mapaupo na lamang sa tabi ng bangkay ng anak sa kalsada at umiyak.

Aminado ang ina ng biktima na dating gumamit ng droga ang anak niya, pero matagal na umano itong tumigil sa bisyo.

Emosyonal rin ang tiyahin ng biktima na si Vicky at sinabing mabait naman ang pamangkin at wala itong kaaway.

Kwento ni Aling Vicky, mahirap tanggapin na dati ay napapanood lamang nila sa TV ang mga kaawa-awang biktima ng patayan, at masakit na sila naman ngayon ang nakararanas nito.

Nagtamo ang biktima ng iba’t ibang tama ng bala sa leeg at dibdib na kanyang agarang ikinamatay.

Nakuha naman sa crime scene ang limang basyo ng caliber .45.

Samantala, may dalawang CCTV rin na nakatutok sa crime scene, pero ayon sa tauhan ng barangay, nasira ito ilang oras lamang bago nangyari ang pamamaril.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

TAGS: metro news, Tondo Manila, welder killed in manila, metro news, Tondo Manila, welder killed in manila

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.