Kondisyon ng mahigit 130,000 Pinoy sa Las Vegas patuloy na inaalam ng konsulada ng Pilipinas

Patuloy ang pag-monitor ng konsulada ng Pilipinas sa Las Vegas sa Filipino community matapos ang madugong mass shooting sa isang concert na ikinasawi ng 59 na katao at ikinasugat ng 527 na iba pa.

Sa ngayon kasi, wala pang inilalabas na opisyal na listahan ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.

Ayon kay Consul General Adelio Angelito Cruz, inaalam nila ang kondisyon ng 131,000 na mga Pinoy sa Las Vegas sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lider ng Filipino community.

Samantala nagpaabot na ng pakikiramay ang gobyerno ng Pilipinas sa mga biktima ng pamamaril.

Sa kaniyang pahayag sinabi ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na ngayon ay nasa New York para sa isang official visit, ipinaaabot nila ang pakikiramay sa Estados Unidos at sa pamilya ng mga nasawi sa mass shooting.

“We offer our deepest sympathies to the United States over this disturbing act of violence that took the lives of 50 people in Las Vegas last night,” ani Cayetano.

Naganap ang deadly shooting ilang oras bago ang pakikipagpulong ni Cayetano sa lahat ng pinuno ng Philippine Foreign Service posts sa US para talakayin kung paanong mas mapapabilis ang pagtulong ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pinoy sa ibang bansa na nangangailangan ng tulong.

Samantala, para sa mga Pinoy sa Las Vegas na mayroong concern o katanungan, maaring tumawag sa Philippine Consulate General sa telephone numbers 1 (213) 268-9990 o sa 1 (213) 587-0758.
 

 

 

Read more...