Pagawaan ng semento, maaaring makasuhan dahil sa oil spill
Pinagiisipan na ng mga opisyal ng bayan ng Teresa sa probinsya ng Rizal kung sasampahan nila ng kaso ang Solid Cement Corp. na responsable sa langis na tumagas sa Teresa River.
Ayon kay Marlon Pielago, environment officer ng Teresa, pinaguusapan na ng mga lokal na opisyal kung kakaushan o hindi ang nasabing pagawaan ng semento na naka-base sa Antipolo City na nagtapon ng 2,000 litro ng bunker fuel sa ilog. Aniya, unang apektado ang kanilang bayan dahil ito ang kasunod ng Antipolo.
Nag-umpisang tumagas ang langis sa Kaynaog Creek sa Antipolo na dumaloy hanggang Tagbak River, at ngayon ay nakarating na sa 15 kilometrong Teresa River na tumatagos sa mga bayan ng Teresa at Morong bago tuluyang makarating sa Laguna Lake.
Nadiskubre ito nang mag-sumbong ang mga opisyal ng Barangay Poblacion noong Lunes ng gabi tungkol sa mabahong amoy na nagmumula sa ilog, ayon kay disaster risk reduction and management officer Dawna Marly Yanong.
Dagdag pa ni Yanong, anim na barangay ang apektado dahil sa nasabing oil spill, ang May-iba, Dalig, San Gabriel, San Roque, Bagumbayan at Prinza.
Isa raw itong aksidente ayon sa kumpanya pero inako naman nila ang responsibilidad at nangakong babayaran ang kailangang bayaran para sa pagli-linis nito.
Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang oil spill.
Samantala, patuloy namang binabantayan ng Coast Guard Station at Laguna de Bay (CGS LGDB) ang pagdaloy ng langis na nagumpisa nang dumaloy sa Morong River na pinakamalapit na daluyan ng tubig patungong Laguna Bay.
Maglalagay naman ng karagdagang oil containment equipment sa bukana ng Morong River ang PCG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.