Gun at liquor ban, ipatutupad sa Naga sa pista ng Peñafrancia
Bilang paggunita sa siyam na araw na pagdiriwang ng pista ng Our Lady of Peñafrancia na santong patron ng Bicol na maguumpisa na bukas sa Naga City, magpapatupad ang kanilang lokal na pamahalaan ng gun at liquor ban.
Tanging mga naka-unipormeng pulis at militar lamang ang maaaring magdala ng baril sa kasagsagan ng pista.
Tinatayang hihigit sa isang milyong katao ang dadayo sa Naga para magpakita ng kani-kanilang debosyon sa Ina na nagsimula 305 taon na ang nakalilipas.
Uumpisahan ang gun ban simula 12:01 ng hatinggabi ng September 11 na mismong araw ng translacion kung saan ililipat ng mga lalaking deboto o “voyadores” ang imahe ng Ina mula sa Our Lady of Peñafrancia Shrine patungong Naga Metropolitan Cathedral.
Ayon kay Vice Mayor Nelson Legacion, ito ang napagkasunduan sa pagitan ng mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng Archdiocese of Caceres.
Kasabay ng pagbabawal sa pagbibitbit at paggamit ng baril, ipapatupad rin ang liquor ban sa kahabaan ng rutang na dadaanan ng translacion.
Inamin naman ni Naga City Mayor John Bongat na magiging mahirap ang pagpapatupad nito dahil karaniwang nagkakaroon ng inuman sa loob ng mga bahay ng mga residente bago pa man ang mismong prusisyon.
Kadalasan kasi, nilalango ng mga voyadores ang kanilang mga sarili sa alak para mas kayanin nilang makipag-gitgitan, tulakan at siksikan para maisakatuparan ang kanilang panata na mahawakan ang imahe.
Iminungkahi naman ng commander ng kanilang Philippine Coast Guard na si Lt. Archie Hicban na mas maiging bawasan ang mga taong sasakay sa pagoda ng imahe sa gaganaping fluvial parade para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Ayon naman kay regional acting chief Senior Supt. Romulo Esteban, nasa 700 na miyembro ng kapulisan ang ipapakalat sa kasagsagan ng pista.
Samantala, maliban sa gun at liquor ban, ipagbabawal rin ang pagsasaboy ng confetti at ng tubig sa mga voyadores dahil ito ay nakakabawas o makakasira sa kadakilaan ng paggunita ng kapistahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.