(Update) Umakyat na sa 50 ang bilang ng mga patay sa samantalang mahigit sa 200 ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Las Vegas strip kanina.
Nananatiling sarado sa publiko at mahigpit ang seguridad sa paligid ng Mandalay Bay Casino sa Las Vegas dahil sa pamamaril ng napatay na suspek na si stephen Paddock, 64-anyos.
Si Paddock ay residente sa Las Vegas at sinasabing walang kaugnayan sa anumang grupo ng mga terorista na nasa talaan ng U.S authorities.
“We have no idea what his belief system was and we’ve located numerous firearms within the room that he occupied,” ayon kay Las Vegas metopolitan Police Sheriff Joseph Lombardo.
Sa pamamagitan ng Twitter ay umapela rin sa publiko ang Las Vegas Police Department na manatili sa kanilang mga bahay at umiwas muna sa pagpunta sa Vegas strip area dahil sa nagaganap na pamamaril.
Si Paddock ay napatay ng mga rumespondeng pulis sa isang silid sa 32nd floor ng Mandalay Bay Casino kung saan ay natagpuan ang maraming mga baril.
Patuloy pa rin na sinusuyod ng mga otoridad ang paligid malapit sa crime scene para sa mga dagdag na ebidensiya sa krimen.
Karamihan sa mga sugatan na isinugod sa iba’t ibang mga ospital ay mga nanonood sa Route 91 Harvest music festival malapit sa Mandalay Bay Casino sa dulong bahagi ng Vegas strip.
Itinuturing naman na person of interest at hinahanap na ngayon ng mga otoridad si Marylou Danley na sinasabing kasama ni Paddock na pumasok sa Mandalay Bay Casino.