17-anyos na estudyante, patay matapos ma-holdap

By Kathleen Betina Aenlle September 10, 2015 - 05:12 AM

crime-scene-e1400865926320Patay ang 17 anyos na estudyante ng kursong Hotel and Restaurant Management sa Quiapo, Maynila matapos siyang ilang beses saksakin ng holdaper sa jeep.

Ikinamatay ni Renzo Rei Bodoy ang maraming tama ng saksak sa kaniyang katawan matapos siyang tumanggi na isuko ang kaniyang cell phone sa holdaper na si Richard Pring, 32 anyos.

Hindi rin nagtagal at naaresto rin ng mga pulis si Pring sa kaniyang tahanan sa Grace Park, Caloocan City, at iniharap kay Manila Mayor Joseph Estrada kahapon.

Ayon sa imbestigador na si Jonathan Bautista, nakasakay si Bodoy sa isang jeep pa-Quiapo bandang alas sais y medya ng umaga ng Martes, nang sumakay si Pring sa may Liwasang Bonifacio sa Pandacan.

Nang makaakyat na ang jeep sa Quezon Bridge, biglang pilit inagaw ng suspek na armado ng kutsilyo ang bag ng biktima pati ang kaniyang cell phone ngunit nagmatigas ang estudyante at tumangging bitiwan ang kaniyang gamit kaya inambahan siya ng suspek na sasaksakin sa dibdib.

Nakatalon mula sa jeep si Bodoy pero nagawa siyang sundan ni Pring at paulit-ulit siyang sinaksak bago tumakas.

Agad na dinala sa ospital ang biktima kung saan siya ay idineklarang patay dahil sa mga natamong sugat.

Sabi naman ng isang testigo, puno ang jeep na kanilang sinasakyan, pero si Bodoy na nakaupo sa harap ni Pring ang tanging napagdiskitahan dahil inilabas niya ang kaniyang cell phone.

Sa panayam sa suspek, lasing raw siya at may matinding pangangailangang pinansyal kaya niya nagawa ang krimen. Ayon kay Bautista, haharap si Pring sa kasong robbery with homicide.

Nagpaalala naman si Chief Insp. Alexander Rodrigo ng Manila Police Department – Homicide Division sa mga pasahero na iwasan ang paglalabas ng kanilang mga gadget tulad ng cell phone tuwing nasa pampublikong lugar para hindi makaakit ng magnanakaw at para na rin sa kanilang sariling kaligtasan.

TAGS: estudyante patay sa quiapo matapos ma-holdap, estudyante patay sa quiapo matapos ma-holdap

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.