Nawalan umano ng preno ang bus na nahulog sa Alabang viaduct noong Linggo na ikinasugat ng aabot sa 40 pasahero.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, batay sa drayber ng Cher Bus na si Deo Corpuz ay nawalan ng break ang minamaneho nitong bus.
Gayunman, base naman sa salaysay ng mga pasahero, nakarinig sila ng “clonking sound” o malakas na tunog bago magpasya ang tsuper na ibangga sa barrier ang bus, na dahilan kung bakit ito nahulog sa Alabang viaduct northbound.
Ang konduktor ng bus na si Jesus de Villa ay naka-confine sa Ospital ng Muntinlupa, samantalang ang drayber na si Corpuz ay nasa kustodiya ng HPG Mayapa, Calamba, habang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.
Kaugnay pa rin nito aksidente, sinabi ni Lizada na tinututukan ng LTFRB ng kalagayan ng mga biktimang pasahero, lalo na yung may kailangan ng medical attention at nananatili sa mga ospital.
Inatasan na rin ang insurance company na Passenger Accident Management and Insurance Agency o PAMI na kaagad tulungan ang mga pasahero.
Batay sa latest update, sinabi ni Lizada na sa 30 pasahero na dinala sa Ospital ng Muntinlupa, labing pito na ang nakalabas na; habang mula sa siyam na pasaherong dinala sa Asian hospital ay anim na pasahero ang nakalabas.
Sinagot naman ng pamunuan ng Cher bus ang gastos sa ospital at nagbigay din ng pamasahe sa mga pauwing pasahero.