Magsisimula na kasi ngayong linggo ang pagdinig na gagawin ng DOJ kaugnay sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa mga miyembro ng Aegis Juris, ngunit wala pa rin silang testigo.
Tiniyak naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na kung sinuman ang may nalalaman tungkol sa pagkamatay ni Atio na lalapit sa kanila ay isasailalim nila sa witness protection program (WPP).
Ayon kay Aguirre, maaring tumawag ang mga testigo sa numerong 0995-4429241 na isang hotline na itinalaga para lang sa kaso ni Castillo.
Ibinunyag na rin ng kalihim na may dalawang maaring magsilbing testigo na ang tumungo sa kaniyang opisina noon ngunit hindi na muling bumalik dahil sa pangamba sa kanilang buhay.
Samantala, iginiit ni Aguirre na bagaman paghahanap lang ng probable cause para magsampa ng kaso sa korte ang magiging resulta ng kanilang preliminary investigation, makakatulong ang testimonya ng saksi para mas mapatibay ang kaso.