Nagsagawa ng emergency landing ang isang Air France A380 superjumbo jetliner sa Canada kasunod ng “serious damage” na naitala sa sa isa sa apat na makina nito.
Ayon sa tagapagsalita ng Air France, lumapag ang Flight 066 sa Goose Bay military airport sa Canada, pero wala naman napaulat na nasugatan sa mga pasaherong sakay nito.
Nabatid na aabot sa kabuuang 520 ang sakay na pasahero ng nasabing eroplano na patungo sana ng Los Angeles mula sa Paris.
Wala naman aniyang naging problema sa isinagawang emergency landing ng eroplano.
Ngayon ay naghahanap na ng ibang opsyon ang airline kung paano maihahatid sa Los Angeles ang mga apektadong pasahero.
Wala pang inilalabas na detalye ang Air France tungkol sa naging sanhi ng aberya pero ayon sa ilang mga pasahero, posibleng pumasok sa loob ng isa sa apat na makina ng eroplano ang isang ibon.