Gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbitahan si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa gagawing police and military briefing kaugnay sa pagkakasangkot ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa illegal drug trade.
Sinabi ng pangulo na gusto niyang iparating kay Drilon na hindi lamang kwento ang pagkakasangkot ng kanyang pinsan sa iligal na droga.
Sa ganitong paraan din umano mauunawaan ng mambabatas kung gaano na kalaki ang sindikato ng droga sa bansa.
Minsan na ring tinawag ng pangulo ang Iloilo City bilang “most shabulized city” sa buong Pilipinas.
Magugunitang kasama si Drilon sa 16 na mga senador na lumagda sa isang resolution para itigil ng pamahalaan ang umano’y mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa partikular na sa hanay ng mga kabataan.
Nauna na ring sinabi ng pangulo na ilang mga sindikato ng droga ang nasa likod ng pagpopondo sa mga terorista tulad ng ISIS at Maute group na hanggang ngayon ay nagkukuta sa ilang bahagi ng Mindanao.