Tulay gumuho sa Cebu City, 2 ang nawawala
Nawawala ang dalawang katao kabilang ang siyam na taong gulang na batang lalaki matapos silang tangayin ng agos ng tubig nang gumuho ang foot bridge sa Sitio Riverside, Barangay Guadalupe, Cebu City.
Naganap ang insidente alas 10:00 ng umaga ng Biyernes.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction Management Office (CCDRRMO) para mahanap ang nawawalang sina Arturo Cabradilla – 26 anyos at ang siyam na taon na si Juros Taran.
Anim naman na pawang tinangay din ng agos ng tubig ang nailigtas ng mga tumulong na residente at team mula sa City Disaster.
Ayon kay Senior Insp. Henry Orbiso, hepe ng Guadalupe Police Station, dinala sa ospital ang mga nailigtas na sina Nestor Taran, Renny Remorosa, Regie Remorosa, Benjamin Singson, Jun Niño Taran, 15-anyos; at John Taran, 7 taong gulang.
Sinabi ni Orbiso na nakatayo sa foot bridge na yari sa kahoy ang walo dahil hinuhuli nila ang nakitang sawa sa ilog.
Matapos makuha ang sawa, bigla namang bumagsak ang kinatatayuan nilang tulay.
Umaasa naman ang mga opisyal ng barangay at mga kaanak na matatagpuan pa ang dalawang nawawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.